Patay kung patay!

MANILA, Philippines - Handang makipagbakbakan ang mga Pinoy na nasa Lahad Datu, Sabah sakaling puwersahang salakayin sila ng Malaysian security forces dahil sa pagmamatigas na manatili sa kabila ng huling panawagan ni Pangulong Aquino at Malaysian government na umalis na sa nasabing lugar.

Gayunman, nilinaw ng kampo ni Sultan Jamalul Kiram III na hindi manggagaling sa kanila at kay Raja Muda Agmi­dubbin ang anumang hakbang na mangunguna sa karahasan. Si Raja Muda ay kapatid ng Sultan na namumuno sa may mahigit 200 Pinoy ka­ bi­lang na ang 30 armadong miyembro ng Royal Security Forces ng Sultante na nasa Lahad Datu

Nagmamatigas ang Sultan na hindi aalis sa Lahad Datu, Sabah si Raja Muda at ka­nilang tagasunod sa ka­bila ng pagtatapos ng ibinigay na taning na umalis at sa apela ng Pa­ngulo na himukin nito ang mga Pinoy sa nasabing lugar na magsisakay na sa barko na ipinadala ng pamahalaan at magsiuwi na sa kanilang pa­milya sa Pilipinas.

Sa apela ng Pangulo, sinabi nito na ang Sultan ang nagsisilbing lider ng nasabing grupo at mamamayan kaya inaasahang susunod ang mga nasa Lahad Datu kung siya (Sultan Kiram) ang mag-aatas sa mga ito na umalis na sa lugar at bumalik sa Mindanao.

Bagaman welcome sila sa panawagan ng Pangulo, nanindigan si Sultan Kiram na mana­ na­tili ang kanyang kapatid at may mahigit 200 tagasunod sa Lahad Datu hanggat walang konkretong kasunduan sa pagitan umano ng pamahalaan at ng Sultanate of Sulu hinggil sa kanilang claim sa Sabah.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ng tagapagsalita ni Kiram at ibang tagapagmana ng Sulta­nate na si Abraham Idjirani na handa ang Sultan na magpaaresto matapos ang banta ng Pangulo na maaaring mahaharap sa kaso ang Sultan dahil sa sinisilip na paglabag nito sa batas ng Pilipinas dahil sa paggamit ng mga armas upang maipilit ang kanilang pag-aangkin sa Sabah.

Iginiit ni Adjirani na ang royal forces ng mga Kiram ay walang planong makipag-giyera sa Sabah at layunin lamang nila na manirahan at mamuhay ng tahimik sa Tanduao village sa Lahad Datu na bahagi ng lupain ng Sultanate of Sulu.

Ang sinasabing 235 Pinoy kabilang ang 30 armado na nagmula sa Mindanao ay nagtungo sa Lahad Datu noong Peb­rero 9 matapos na pa­ngakuan umano ng lupa upang doon na manirahan ng permanente.

Iginiit ng mga Kiram na sa kasaysayan ay pag­­ mamay-ari ng Sulta­nate of Sulu ang Sabah kung saan umuupa pa ang Malaysia ng 5300 Malaysian ringgit kada taon sa Sultanate.

Sa pagtatapos ng ibi­nigay na ultimatum ay nasa kamay na ng Ma­lay­sian authorities ang kontrol at pagpapasya sa paghawak ng sitwasyon sa standoff sa Lahad Datu, Sabah.

Wika naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, dapat ay maresolba muna Kung sino ang tunay na taga­pagmana ng Sultanate ng Sulu dahil may iba’t ibang claimants na sila ang legal heirs nito bukod kay Kiram.

Pero ang huling kinilala ng gobyerno ng Pilipinas na tagapagmana nito ay si Sultan Esmael Kiram na lolo ni Sultan Jamalul Kiram.

Wika pa ni Lacierda, bago din simulan ang pa­­kikipag-usap ng gob­yerno sa mga Kiram ay dapat umuwi muna ang mga supporters nito upang mapayapang ma­resolba ang standoff sa Sabah.

Patuloy na tumatanggi ang mga royal forces ni Kiram na nasa Sabah na sumakay pauwi ng bansa sa humanitarian ship na ipinadala ng gobyerno.

Show comments