MANILA, Philippines - Nagmimistulang ang pamahalaan ang nagiging sanhi ng pagkaantala ng paglaya ng OFW na si Rogelio “Dondon†Lanuza na nasa death row sa Saudi Arabia dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa umano mabuo ang kanyang P30 milyong blood money sa kabiguan ng PH government na maipasa o maibigay ang pledge nito na P4 milyon o 400,000 Saudi Riyal (SR).
Nabatid na sa kabila ng ilang beses na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the Vice President (OVP) na naglaan na ang gobyerno ng 400,000 SR sa blood money ni Lanuza, wala pa umanong natatanggap ang pamilya-Lanuza para tuluyan nang mabuo ang 3 milyong Saudi Riyal (P30-M) blood money.
Sa kabila ng mabilis na pagkilos ng Saudi government na tulungan si Lanuza na nakapatay ng Saudi national ay ganun naman ang kabagalan umano ng PH government sa pagbibigay ng ambag nito na hindi malaman kung saang ahensya kukunin.
Sa isang open letter ni Lanuza kay Pangulong Benigno Aquino III, pinasalamatan niya ang Pangulo sa pagtulong sa kanya at kanyang pamilya hinggil sa pagtugon sa panawagan na blood money at sa matiyagang pakikipag-negosasyon ng mga kinatawan ng DFA at Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Saudi authorities para sa kanyang kaso.
Gayunman, sinabi ni Lanuza na nangangamba pa rin siya na baka magbago ang isip ng pamilya ng kanyang napatay dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa naibibigay ang buong P30-M blood money kapalit ng ‘tanazul’ o affidavit of forgiveness na magiging basehan ng Saudi court upang siya ay makaligtas sa bitay at makalaya sa kulungan.
Sinubukang kunin ng PSN/PM ang reaksyon ng DFA, OVP at Embahada hinggil sa pagkaantala ng kanilang ambag subalit wala silang maibigay na dahilan at pahayag.