Tax sa SSS, GSIS, Pag-IBIG at PhilHealth haharangin sa House

MANILA, Philippines - Haharangin ni Mindoro Oriental Rep. Rodolfo Valencia ang balak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na buwisan ang Pag-IBIG, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at PhilHealth contributions.

Sa inihaing rsolusyon ni Valencia, iginiit nito na base sa umiiral na batas lahat ng kontribusyon na nakokolekta mula sa kita o investment earnings ng indibidwal ay exempted mula sa tax, assessment o anumang bayarin.

Giit ng mambabatas na siya rin chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, Iligal ang anumang buwis na ipapataw sa nabanggit na mga kontribusyon.

Aminado naman ang mambabatas na mahalaga ang koleksyon ng buwis sa gobyerno subalit hindi sa puntong dapat na labagin ang saligang batas.

Inihalimbawa nito ang Pag-IBIG 2 Savings Program na nilikha upang tiyakin ang shelter finance at hikayatin na rin ang marami na mag-miyembro rito.

Sa kasalukuyan ang Pag-IBIG fund ang pinakamalaking pinagkukunan ng home financing sa bansa na nagkakahalaga ng P195.6 bilyon mula pa noong 2001 hanggang August 2010 na katumbas ng 401,242 na pabahay na naipatayo.

Show comments