MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng United Nationalist Alliance (UNA) na wala silang balak na kunin sina Bro. Eddie Villanueva, Rep. Teddy Casiño at Mayor Edward Hagedorn bilang kapalit ng 3 guests candidates na tinanggal na nila bilang mga kandidato ng kowalisyon.
Ayon kay Toby Tiangco, secretary general at campaign manager ng UNA, bagaman at mataas ang tingin nila sa tatlong nabanggit na kandidato sa pagka-senador wala silang balak na punan ang posisyon ng tinanggal na sina Senators Loren Legarda, Francis Escudero at Grace Poe Llamanzares.
“We have no plans of replacing the three former guest candidates,†sabi ni Tiangco.
Nilinaw din ni Tiangco na tinanggal na lamang nila sa listahan ng kanilang mga kandidato ang tatlong guest candidates upang mawala na ang obligasyon ng kowalisyon sa mga ito at makapag-move na sila.
Sa ngayon umano ay pagtutuunan na lamang ng pansin ng UNA ang natitira nilang siyam na kandidato.
Nauna ng napaulat na posibleng palitan ang tatlong tinanggal na guest candidates upang makumpleto ang 12 senatorial line-up ng UNA.
Inilarawan naman ng Team PNoy na isang papalubog na barko ang UNA dahil maging si independent senatorial candidate Bro. Eddie Villanueva ay ayaw sumama sa kanila.
“Nobody wants to be with them. It has come to a point that being identified with UNA is a ‘kiss of death.’ Even independent candidate Bro. Eddie Villanueva has declared his refusal to accept their invitation,†paliwanag ni Team PNoy spokesman Rep. Ben Evardone.
Ito ang naging sagot ng Team PNoy sa pagÂlaglag nila sa common candidates na sina Legarda, Escudero at Poe.
Sinabi naman ni UNA senatorial candidate Mitos Magsaysay na bagamat nakakalungkot umano na nawala ang tatlo sa kanilang tiket subalit sa isang grupo ay dapat mayroong pantay na commitment sa lahat ng miyembro at kung ang kanilang puso ay hindi nakikiisa sa kanila ay mas maganda na ang ang naging desisyon ng liderato ng UNA.
Giit ni Magsaysay, naniniwala pa rin siya na malakas ang kanilang grupo base sa mainit na pagtanggap sa kanila sa mga lalawigan na kanilang binibisita kung saan sila nakakapulot ng mga idea upang makabuo ng programa para magkaroon ng ginahawa ang kanilang pamumuhay. (May ulat nina Rudy Andal at Gemma Garcia)