MANILA, Philippines - Tinanggalan ng accreditation ng Bureau of Customs (BoC) ang 14 kumpanya at kooperatiba na nag-aangkat ng mga bigas mula sa ibang bansa.
Tinukoy ng Interim Customs Accreditation and Registration (ICARE) ang mga kumpanyang Conquistar Marketing, Dream the Dream Marketing, Happy Morning Enterprises, Kakampi Multi-Purpose Cooperative, Kapatiran Takusa Multi-Purpose Cooperative, Malipampang Concerned Citizens Multi-Purpose Cooperative, Pinambaran Farmers Producers Cooperative, Samahang Magsasakang Kapampangan at Katagalugan Multi-Purpose Cooperative, Thunder Glutch Marketing, Ugnayang Magbubukid ng San Isidro, Inc., Vita Rose Marketing, Dragon Clash Enterprises, Masagana Import Export at King Casey Trading.
Ang hakbang na ito ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ay dahil na rin sa natanggap nitong report na ang nabanggit na mga kumpanya at kooperatiba ay walang kakayahang mag-angkat ng malaking volume ng bigas sa bansa at nakakapasok lamang ang kargamento ng mga ito dahil sa pinagkalooban ang mga ito ng rice importation quotas ng National Food Authority (NFA).
Napag-alaman na ipinagbabawal nang mag-import ng mga bigas sa bansa ang nabanggit na mga kumpanya at kooperatiba, dahil hinala ng ICARE ginagamit lamang ang mga ito ng grupo ng mga smuggler para mag-smuggled ng mga bigas, na nabibili sa murang halaga at tax free pa ito. Matapos rebisahin ang kakayahang pang-financial ng naturang mga kumpanya at kooperatiba at magsagawa ng inspection sa kanilang mga bodega, sinabi ni Biazon na hindi sila nakapasa sa itinakdang requirement ng BoC.