MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 87,000 katao ang naapektuhan ng bagyong Crising sa mga binayo nitong lugar sa Mindanao.
Ayon kay National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario ang bagyo ay nakaapekto sa may 17,374 pamilya o kabuuang 87,139 katao sa 51 barangay sa Regions 10 at 11. Sa nasabing bilang ay nasa 735 pamilya o katumbas na 3,568 katao ang kinukupkop sa may pitong evacuation center.
Nasawi ang biktimang si Francisco Digaynon na nalunod habang tumatawid sa ilog sa New Bataan, Compostela Valley. Apat naman ang nasugatan na sina Maria Nacua, 20; Dodong Nacua, 8 ; Anatalio Nacua, 29 at ang sanggol na si Boy Nacua, 9 buwan, pawang ng Sapad, Lanao del Norte.
Iniulat rin ang mga pagbaha na umabot sa 1.5 metro sa Barangays Siagao, Patong, San Roque, Poblacion at Baras sa bayan ng San Miguel sa Surigao del Sur.
Inaasahan namang lalabas na sa area of responsibility ng Pilipinas ang bagyong Crising ngayong Huwebes.
Samantala wala ring tsansa na humalo ang bagyong Crising sa namataang low pressure area malapit sa Palawan.