MANILA, Philippines - Sa tulong ng pulisya, militar at ng pamahalaang lokal, naghigpit ng seguridad ang Del Monte-Philippines para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa nito at ng nakapaligid na komunidad.
Isinagawa ng kumpanya ang hakbang makaraang salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army ang plantation office at truck yard ng Del Monte sa Camp Phillips, Bukidnoon noong Pebrero 19.
Gayunman, nilinaw ng Del Monte na hindi naapektuhan sa insidente ang operasyon ng kumpanya at isinagawa ang kaukulang seguridad sa plantasyon at cannery nito.
Sinabi ng Del Monte na nakakalungkot ang pangyayari pero walang kamalayan ang pangasiwaan nito kung bakit isinagawa ng mga rebelde ang ganitong karahasan.
May 87 taon na ang operasyon ng Del Monte sa Bukidnon at nakapagbigay ito ng trabaho sa 20,000 katao mula sa 10 bayan sa lalawigan. Nagsagawa rin ang kumpanya ng iba’t-ibang socio-civic project para mapabuti ang pamumuhay ng maraming pamilya sa lalawigan.
Napaulat na may 100 armadong tauhan ng NPA ang umatake sa plantasyon at truck yard ng Del Monte sa Bukidnon bandang alas-6:00 ng hapon ng Pebrero 19.
Sinunog ng mga rebelde ang tatlong heavy equipment unit at isang personal bus sa Del Monte truck yard.
Tinangka rin ng mga rebelde na sunugin ang mga kagamitan ng Del Monte sa kalapit na plantation office pero nabigo sila. Napatay nila ang isang guwardiya at nasugatan ang dalawang security personnel.