MANILA, Philippines - Nahaharap umano sa patong-patong na asunto sa Ombudsman ang daÂting alkalde na nagsampa ng kaso laban kay Agriculture Secretary Proceso Alcala.
Ito ang nabunyag mula sa tanggapan ng Ombudsman matapos makumpirma na si Ramon Y. Talaga Jr., ay nahaharap sa apat na kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang unang kaso ay isinampa noong Agosto 22, 2002; Setyembre 17, 2010; June 8, 2011 at Agosto 24, 2012 na pawang dinidinig ngayon sa Ombudsman, ayon sa dokumento.
Ang apat na kaso ay isinampa laban kay Talaga noong siya pa ay Mayor ng Lucena City.
Kamakailan ay kinasuhan ni Talaga sa Ombudsman si Alcala dahil sa umano’y hindi tamang paggasta ng halos P3.5 milyong halaga ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong si Alcala ay miyembro pa ng Kongreso.
Mariing itinanggi ni Alcala ang paratang at iginiit na pinupulitika lamang sila dahil itinaon ang pagsampa ng kaso sa kanya ngayong eleksyon kahit na noon pang 2008 umano nangyari ang sinasabing reklamo.
Si Talaga ay tatakbo muling Mayor sa Lucena kalaban ang pamangkin ni Alcala na si Lucena incumbent Mayor Roderick Alcala.