Target collection nalampasan ng BoC

MANILA, Philippines - Nalampasan ng Bureau of Customs (BoC) sa pamumuno ni Commissioner Ruffy Biazon ang target collection nito para sa buwan ng Enero na pumalo sa P24.5 billion, mataas ng 8% mula sa itinakdang target na P24.3 billion.

Bukod dito, kumpara sa koleksyon sa buwis noong Enero 2012 na nasa P21.990 billion lamang, ‘di hamak na mas mataas dito ng 11.4% ang aktuwal na koleksyon ngayong Enero 2013.

Mula sa resulta ng kasalukuyang pagbabantay ng BoC sa araw-araw nitong koleksyon sa bawat distrito, positibo ang pananaw ng ahensya na muli ay malalampasan nito ang target collection para sa buwan ng Pebrero.

Nakita rin na ang pag­lampas sa koleksyon ng BoC ay resulta rin ng reconfiguration sa ahensya na kung saan ay tumugma ang pagkakalipat sa ibang distrito ng ilang opisyal ng Customs at mas nagamit ang kakayahan ng mga ito sa larangan ng koleksyon ng buwis.

Sakaling kakailanga­nin, ayon kay Biazon ay muling magsasagawa ng reconfiguration sa BoC upang masiguro na maabot ang itinakdang target collection nito nga­yong taon.

“Ang pagpapataas ng koleksyon ng BoC sa pamamagitan ng pagpuksa sa smuggling sa bansa ay kontribusyon namin sa “daang matuwid” na tinatahak ng kasalukuyang administrasyon ng ating Pangulong Aquino,” dagdag ni Biazon.

 

Show comments