Sa pagsadsad sa Tubbataha Reef: Crew ng USS Guardian baka hindi makulong

MANILA, Philippines - Fort del Pilar, Baguio City – Malamang hindi makulong ang mga crew member ng barkong USS Guardian ng United States Navy na sumadsad sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea  noong nakaraang buwan.

Ito ang ipinahayag kahapon ni Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Abaya na nagsabi pa na isang pangkalahatan nang praktis sa pandaigdigang batas na nagbibigay ng immunity sa mga dayuhang barko.

“Mapanlinlang ito dahil isa nang tanggap na paniniwala at praktis, sa international law, general practice ng international law, na ang mga men of war, foreign naval vessel, ay merong immunity, lalo na kung merong line of duty,” sabi pa ni Abaya sa isang panayam kasabay ng pagdiriwang dito ng Philippine Military Aca­demy Alumni Homecoming.

Sa ilalim ng Republic Act 10067 na nagtatakda ng patakaran sa Tubbataha Reefs Natural Parks, ang mga lalabag dito ay makukulong nang hanggang isang taon at pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang P300,000.

Gayunman, sinabi ni Abaya na ganap na ipapatupad ang batas sa kaso ng mga crew ng USS Guardian.

Samantala, binigyan ng dalawang buwang  pa­lugit ng Task Force Tubbataha  ang sumadsad na  barko ng US Navy para tuluyang maialis ito sa Tubbataha Reef.

Sa panayam  ng Defense Press Corps, sinabi ni Abaya na  dumating sa lalawigan ng Palawan ang MPJacson 25 kaya mapapabilis na ang magi­ging salvage (chop-chop) operations o pagbaklas na gagawin sa nabahurang  USS Guardian.

“Noon pang isang linggo nagsimula ang salvaging sa barko  at, sana, mapabilis ito ngayon sa pagdating ng MP Jacson 25,” sabi ni Abaya.

Sinabi pa niya  na ma­laking bagay ang Jacson 25 dahil hindi na mag-aangkla pa sa dagat para paunti-unting makuha ang sumadsad na barko ng Philippine Navy.

Ayon sa DOTC Chief, hanggang sa buwan ng Marso pa ang ultimatum na kanilang ibinigay para sa USS Guardian at pinakagrabe nang mangyayari ay kung hindi pa ito maiangat at makuha sa Tubbataha Reef.

Samantala, sinabi pa ni Abaya na sa kasalukuyan ay hindi pa nila mataya ang kabuuang pinsala sa mga coral reefs sa Tubbataha Reef kung saan tiniyak nito na magbabayad ang US Navy tulad ng nauna nitong pangako.

Magugunita na su­madsad ang USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17  ng taong ito matapos na ikansela ang port call visit sa Puerto Princesa City, Palawan at patungo na sana sa Indonesia.

Show comments