P2B lugi sa gobyerno sa Stradcom contract

MANILA, Philippines - Pinalawig ng gob­yerno sa pamamagitan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang kontrata ng kontrobersyal na Stradcom, kaya naman kailangan umanong magbayad ang pamahalaan ng ekstrang P2 bilyon bukod pa raw sa dagdag sa connectivity na babayaran ng mamamayang Pilipino tuwing ma­niningil ang nasabing kumpanya sa Land Transportation Office para sa connectivity.

Ayon sa reliable source, tanging ang mga opisyal ng DOTC at LTO ang nakakaalam umano ng aktuwal na halaga ng bill na pumapasok sa Stradcom sa loob ng mahigit isang dekada na kaya dapat na rin daw mabusisi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para malaman kung tama ang binabayaran nilang buwis sa kinikita nila sa mga connectivity.

Nauna rito, nagpasubasta ang DOTC para pa­litan ang Stradcom, ang LTO IT provider, dahil paso na ang kontratra nito noong Pebrero 8, 2013 kaya naman nag­sumite ang Digitex ET AL, consortium na binu­buo ng Digitex Asia Inc, Newtech Media Systems Solutions at Trimax Infrastructure ng pinakama­babang kalkuladong Bid price noong Nob. 26, 2012 sa bidding na idinaos sa DOTC.

Tatlo ang nag-bid ang Digitext Asia, P3.8 billion, Fritz and Mazcoil, P5.3 billion at Europhil P5.8 billion kaya ng ideklara ng komite ang pinakamababa sa tatlo ay napanganga na lamang ang mga nakalaban nito.

‘Biruin mo halos P2 billion ang matitipid ng gobyerno sa DigitextAsia kung ibinigay dito ang ‘notice of award,’ sabi ng source.

Gayunman, pagka­raan ng pagbubukas ng Bids noong Nobyembre 26, ang Digitext at iba pa ay matiyagang naghintay ng anumang pasabi o sulat mula sa DOTC. Karaniwang inaabot ng tatlo o kulang-kulang pitong araw ang regular at normal na bidding process para matanggap ng lowest bidder ang sulat mula sa procuring agency ng pamahalaan para masa­bihan sila na magsumite ng qualification documents.

Noon lang Enero 30 dumating sa tanggapan ng Digitext ang Consultant and Technical working group para magsagawa ng post qualification at nagsimula sa pagtatasa ng kanilang technical bid. Kinukuwestyon ng kumpanya kung ano ang nangyari sa isa o dalawang buwang paghihintay.

Sa pahayag ng Digitex, ginawa itong sacrificial lamb at magandang dahilan para palawigin ang kontrata ng umiiral pang provider na Stradcom para sa walo pang buwan na gagastusan ng pamahalaan ng P2 bil­yon. 

 

Show comments