Testigo sa Ortega case natagpuang patay sa selda
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagÂkabahala ang pamilya Ortega na makaapekto sa kaso ng pagpatay sa brodkaster sa Palawan na si Doc Gerry Ortega ang pagkamatay ng isa pang testigo sa nasabing krimen.
Ito’y matapos mabatid ni Chief Inspector Job de Mesa, officer in charge ng Lucena-PNP, na natagpuang patay si Dennis Aranas sa loob ng kanyang selda sa Quezon District Jail kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mica Ortega, anak ni Doc Gerry, na nababahala sila na humina ang isinampa nilang kaso gaya ng nangyayari sa paglilitis sa Maguindanao massacre case na naapektuhan ang pag-usad ng hustisya dahil sa pagkamatay ng mga testigo.
Si Aranas, na nagsilbing look-out sa pagpatay kay Doc Ortega, ang nagpatotoo sa ilang mga testimonya at ebidensya na nagpapatunay na direktang may kaugnayan sa krimen si dating Palawan Governor Joel Reyes.
Sinabi pa ni Mica na kasalukuyan na silang kumakalap ng pondo para maisailalim ang bangkay ni Aranas sa awtopsiya lalo pa’t hindi naniniwala ang asawa nito na siya ay nagpatiwakal.
Humiling din kasi aniya ng tulong ang pamilya ni Aranas dahil hindi nila kayang saluhin ang gastusin para sa pagpapa-autopsy.
Si Aranas ang ikalaÂwang testigo sa kaso ni Doc Gerry Ortega na namatay, una rito ay si Val Lecias na binawian ng buhay nuong nakalipas na taon dahil sa sakit sa atay.
- Latest