Sekyu ng Bureau of Plants, tiklo sa pamamaril sa bata

MANILA, Philippines - Arestado ang isang security guard na nakatalaga sa Bureau of Plants and Industry sa Maynila nang barilin umano nito dahil sa panunungkit ng santol ang isang 9-anyos na batang lalaki, kamakalawa ng hapon.

Isinailalim na kahapon sa inquest proceedings sa kasong Child Abuse at Frustrated Homicide ang  suspect na si  Adino Agao, 38, ng RJC Security and Investigation Agency at residente ng Mahabang Nayon, Bahay Toro,  Quezon City dahil sa reklamo ng 9-anyos na biktima  na nabaril sa kaliwang paa dahil sa pagpasok sa compound ng BPI na binabantayan ng suspect.

Sa ulat ni PO2 Aileen Abunda, ng Women and Children Protection Desk, dakong ala-1:00 ng hapon  nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng compound ng Bureau of Plants  sa panulukan ng San Andres at Indiana St., sa Malate.

Nabatid na dumaan umano sa likurang bakod ang biktima at da­lawa pang kasamang bata upang manungkit ng santol nang sitahin umano ng guwardiya. Sa takot ay nahulog sa puno ang biktima kaya siya naabutan at binaril ito ng suspect.

Nakatakbo para umuwi ang biktima sa kabila ng sugat umano sa kaliwang paa bunga ng pamamaril.

Show comments