Livestock, poultry business sa Pinas namemeligro - AGAP
MANILA, Philippines - Kung hindi umano mapipigilan ang operasyon ng dayuhang kumpanyang Chareon Pokphand (CP) ng Thailand ay mamamatay ang livestock at poultry industry sa bansa.
Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor ‘Nick’ Briones, isang multi-bilyong company ang CP, pero nakapagtatakang binigyan pa ito ng 6-year tax holiday o tax free ng gobyerno partikular ang Bureau of Investment (BOI).
Sinabi ni Briones na hindi man lamang kinonsulta ng BOI ang mga stakeholders sa livestock at poultry industry maging ang Department of Agriculture (DA) bago pinahintulutang makapagnegosyo sa bansa ang CP ng Thailand.
Giit ni Briones, sa halip na tulungan ng pamahalaan ang mga Pinoy na namumuhunan sa bansa partikular ang libu-libong magsasaka, magbababoy, magmamanok at mangingisda, ay pinapatay pa ng gobyerno ang mga ito dahil ang pinapaboran ng BOI ay ang dayuhang kumpanya.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang dalawang komite sa Kamara partikular ang Committee on Agriculture and Food at Committee on Food Security at ang kanilang naging desisyon ay kanselahin ang kontrata ng CP.
Nakatakda na rin mag-file ng motion sa Supreme Court ang AGAP na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) sa operasyon ng CP habang ang grupo ng United Broiler Raiser Association (UMBRA) ay kakasuhan sa Ombudsman si Lucila Reyes na executive director ng BOI.
Sumulat na rin ang AGAP kay Pangulong Aquino na umaapila na pigilan ang operasyon ng CP sa bansa.
- Latest