MANILA, Philippines - Dahil sa mabilis na pagresponde ng Coast Guard Station Batangas at iba pang unit, naisalba ang may 52 pasahero at napigilan ang paglubog ng isang pampasaherong barko nang makalas umano ang propeller o elise at mapasok ng tubig-dagat, habang nagmamaniobra sa pantalan ng Calapan, Oriental Mindoro, kahapon ng umaga.
Ayon sa Coast Guard Action Center (CGAC) na nakabase sa Maynila, dakong alas 6:30 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa M/V Baleno 168 kung saan mabilis na inilikas sa ligtas na lugar ang mga pasahero.
Hindi naman nagawang maiayos ang barko na tuluyang lumubog ang kanang bahagi sa tubig.
Pinayuhan na lamang ng PCG ang Besta Shipping Lines na may-ari ng M/V Baleno na magsumite kaagad ng plano kung paano nila maisasalba ang nasabing barko sa maayos na kondisyon.