Fil-Am nahulihan ng baril sa NAIA
MANILA, Philippines - Isang Filipino-American national ang nakumpiskahan ng baril habang pabalik sana ito sa Amerika kahapon ng umaga sa NAIA.
Kinilala ni Bureau of Customs (BoC) CommisÂsioner Ruffy Biazon ang nadakip na si Esmael Bulatao, 59, tubong Canan Norte, Pangasinan. Naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa departure area ng NAIA terminal 1.
Si Bulatao, isang polio victim na may hawak na US passport ay pabalik na sana sa Amerika at habang sinasalang ang mga bagahe nito sa x-ray machine ay napansin ng mga tauhan ni Biazon na nakatago rito ang isang kalibre .22 magnum at 19 pirasong mga bala.
Kaagad pinigil ng mga taga Customs ang suspek at nagsagawa ng beripikasyon dito kung may permit ang pagdadala nito ng baril at mga bala subalit walang maipakitang legal na dokumento, na ayon dito ay nakalimutan niyang tanggalin ang mga ito.
Hindi umubra sa mga tauhan ni Biazon ang naging katwiran ng suspek dahil alam naman aniya nito na pinatutupad ang gun ban sa Pilipinas.
Inaresto ang Fil-Am at nakatakdang sampahan ng kasong illegal posssesion of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code (gun ban).
- Latest