News blackout sa Aman

MANILA, Philippines - Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng news blackout sa kaso ni Manuel Amalilio, ang founder ng Aman Futures Group Philippines Inc.

Nais ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi isapubliko ang mga impormasyon sa hakbang at prosesong ginagawa ng pamahalaan upang ma­pauwi sa Pilipinas si Amalilio na nasa Ma­laysia.

Una ng inihayag ni de Lima na isa sa na­ging dahilan sa pagkaudlot ng pagsundo kay Amalilio ay dahil umano sa media reports na pagbabalita mula sa Kota Kinabalu. 

Dahil dito, posibleng kanila na munang ikonsidera ang “news black out” sa kaso ni Amalilio.

Aniya, ang importante ay ginagawa ng gob­yer­no ang mga hakbang upang maibalik sa bansa ang pinuno ng P12 billion pyramiding scam.

Una rito ay napa­bali­tang sangkot ang dalawang Malaysian company sa operasyon ng Aman Futures. 

Ayon sa NBI, nagsilbi umanong collector ang Barakah Trading & Resources at Twin Khan Trading at hiniling ng mga biktima sa Malaysian authority na pigilin sa pag-uwi sa Pilipinas ang may-ari ng Aman Futures na si Amalilio.

Matatandaang iniha­yag ng NBI na may natanggap silang impormasyon na may ibang kaso sa Malaysia si Amalilio kaya’t naantala ang deportasyon nito pa­balik ng Pilipinas.

Show comments