Loren muling nanguna sa SWS survey

MANILA, Philippines - Muling nanguna sa pinakahuling senatorial survey ng Social Weather Station (SWS) si Sen. Loren Legarda.

Nakakuha ng 65 percent si Sen. Legarda sa survey ng SWS mula Enero 17-19 habang pumangalawa naman si Sen. Chiz Escudero na nakakuha naman ng 62 %. Nagdiwang kahapon ng kanyang ika-53 taong kaarawan si Sen. Legarda.

Ikatlo naman si Sen. Alan Cayetano (60%), San Juan Rep. JV Ejercito (53 %), Sen. Gringo Honasan at Sen. Koko Pimentel na kapwa nakakuha ng 48 percent habang ikapito naman si Sen. Migz Zubiri na may 47 percent.

Kapwa nakakuha naman ng 46 percent sina Las Piñas Rep. Cynthia Villar at Cagayan Valley Rep. Jack Enrile habang parehong nakakuha naman ng 45 percent sina Sen. Antonio Trillanes IV at dating MTRCB chair Grace Poe-Llamanzares.

Nakahabol naman sa ika-12 puwesto ang anak ni Vice-President Jejomar Binay na si Nancy Binay na nakakuha ng 43 percent habang sa 13th slot naman si Aurora Rep. Sonny Angara na may 39 percent kasunod si Sen. Dick Gordon (36 percent) at nasa 15th slot naman sa survey si Bam Aquino na pinsan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Hindi naman nakasama sa magic 15 ng senatorial survey ang mga pambato ni Pangulong Aquino mula sa LP coalition na sina dating Sen. Jamby Madrigal, Rissa Hontiveros at Sen. Ramon Magsaysay Jr.

 

Show comments