MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si House Assistant Majority Leader at Davao City Congressman Karlo Alexei Nograles sa pamahalaan na magsagawa ng imbentaryo sa mga overstaying na dayuhan at asikasuhing mapadeport ang mga ito dahil sa paglabag sa mga immigration law ng bansa.
Ginawa ni Nograles ang panawagan ilang araw makaraang mamaril ang retiradong Canadian journalist na si John H.Pope, 66, sa Palace of Justice sa Cebu City na ikinamatay ng isang abogado at isang doctor at ikinasugat ng isang city prosecutor bago nagpakamatay.
Sinabi ni Nograles na lumilitaw na si Pope na 14 na taon nang naninirahan dito sa Pilipinas ay isang overstaying alien at dapat naipadeport na ng Bureau of Immigration.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang kabiguan ng BI na kumilos laban kay Pope at pabalikin ito sa Canada kahit marami nang reklamo laban dito.
Nakakabahala rin anya ang mga ulat na isa umanong pedophile si Pope na bumibiktima sa mga batang lalaki sa tinitirhan nitong lugar pero walang ginawa rito ang BI.
Wala rin anyang ginawa ang BI nang unang maaresto noon si Pope dahil sa iligal na pagdadala ng baril at walang sino man sa BI ang nag-usisa sa katayuan ni Pope na isa palang illegal alien.
Sinabi pa ni Nograles na dapat tinutunton ng BI ang lahat ng dayuhan na paso na ang mga visa pero nananatili rito sa Pilipinas at yaong may nakabimbing kaso sa korte.