Enrile, Cayetano nagsagutan sa plenaryo

MANILA, Philippines - Sumiklab ang panibagong “word war” sa Senado sa pagitan naman nina Senate President Juan Ponce Enrile at Se­nate Minority Leader Alan Peter Cayetano kung saan pati ang utang ng tatay ng senador at ang kahoy na ginamit sa pagpapagawa ng bahay nito ay naungkat sa sumbatan.

Unang nagtalumpati si Cayetano at kasama sa mga binanatan nito ang chief of staff ni Enrile na si Atty. Gigi Reyes na mistula umanong uma­akto na ring senador.

Ipinahiwatig ni Caye­tano na hindi nito nagustuhan ang paratang ni Atty. Reyes sa isang interview na mga iporkrito ang ilang senador.

“Tempted po talaga akong sumagot. Temp­ted po ako na magsalita ng ganyan. Bakit po ako tempted? Bakit po ako natutuksong sumagot? Dahil sa bawat isang kasinungalingan na inilala­bas ninyo sa akin, may 100 katotohanan ang alam ako tungkol sa inyo at ni Ma’am Gigi,” ani Cayetano.

Ibinunyag din ni Ca­yetano na tanging si Atty. Reyes lamang sa hanay ng mga chief of staff ng mga senador ang ma­aring dumalo sa caucus ng mga Senador sa Senator’s lounge at maari rin itong magsalita.

Ayon pa kay Cayetano ramdam niya ang inis at galit sa kanya ni Enrile at ng chief of staff nito na si Atty. Reyes dahil dati na umanong malapit ang dalawa kay dating Pangulong Gloria Arroyo at asawa nitong si Atty. Mike Arroyo na ilang beses namang nakabangga ni Cayetano.

Best friend din umano ni Reyes ang asawa ni dating Associate Justice Dante Tinga na nakalaban sa pagka-mayor ng Taguig Mayor Lani Caye­tano na asawa ng senador.

Pero hindi naiwasang banggitin ni Enrile na may utang pa umanong P37 mil­yon na hanggang ngayon ay hindi pa nababayaran ang namayapang ama ng senador na si dating senador Renato Cayetano.

Ayon naman kay Ca­yetano wala na ang kanyang ama at hindi na nito masasagot ang paratang ni Enrile.

Upang hindi na hu­ma­ba ang diskusyon agad sinuspinde ang sesyon kung saan nagpahinga si Enrile matapos tumaas ang blood pressure na pumalo sa 180/100.

Show comments