Kapag guilty sa Atimonan incident: Sr. Supt. Marantan unang patatalsikin sa serbisyo

MANILA, Philippines - Nangunguna sa listahan ng Philippine National Police (PNP) na namemeligrong madidismis o mapatalsik  sa serbisyo si Sr. Supt. Hansel Marantan kapag napatunayang guilty sa naganap na Atinoman incident, kung saan ay 13 katao ang nasawi noong Enero 6.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na kapag guilty si Marantan ay agad na sisibakin sa serbisyo at iba pang sangkot sa naganap na insidente.

Si Marantan ay team leader ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Army Special Forces na nakapatay sa 13 katao na unang napaulat na mga miyembro ng gun for hire sa Atimonan, Quezon.

Kasalukuyang nagpapagaling si Marantan sa tinamo nitong sugat sa binti sa St. Lukes Hospital sa Global City sa lungsod ng Taguig.

Nilinaw naman ni Purisima na sakaling wala namang makitang pananagutan si Marantan ay mananatili ito sa PNP.

Sa ngayon ay nasa proseso na ng pagsasapinal ng incident report ang National Bureau of Investigation (NBI) bago ito isumite kay Pangulong Noynoy Aquino.

Inaasahang  sa linggong ito ay maisusumite na kay Justice Secretary Lleila de Lima ang final report and recommendation ng bureau kaugnay sa mga posibleng pagsasampa ng kaso.

 

Show comments