Mas mabigat na parusa sa magpapaputok ng baril umusad na sa Kamara

MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Kamara ang mas mahigpit at mabigat na parusa para sa indibidwal na illegal na magpapaputok ng baril.

Sa inihaing House Bill 6817, nais din ni Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera-Dy na gawing krimen ang pagtitiwala ng baril sa isang menor de edad at ang pagdadala ng baril habang lasing sa ipinagbabawal na gamot, alak o habang nasa isang inuman.

Nakasaad din sa panukala ang mas mataas na parusa sa illegal na pagpapaputok ng baril sa tuwing public holiday o social gathering o mga kasayahan.

Hinikayat din ni Herrera-Dy ang liderato ng Kamara na magsagawa ng marathon hearing sa itatalagang komite upang maisabatas na ito sa siyam na araw na sesyon bago pa mag-election break ang Kongreso.

Pinaaamyendahan din ang Article 254 ng Revised Penal Code na nagpaparusa ng mula anim hanggang apat na taon pagkakakulong sa sinumang mapapatunayang guilty sa pagpapaputok ng baril laban sa isang tao kahit na wala itong intensyong pumatay.

Sa isinusulong na batas, nais nito na gawing siyam na taong pagkakakulong ang sinumang indibidwal na magpapaputok ng baril sa isang inuman na lango sa droga at alak gayundin ang magpapabitbit sa isang menor-de-edad ng hind lisensyadong baril gayundin ang pagbibitbit nito sa mga burol.

Ang panukala ay inihain sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng pamamaril na ikinasawi ng 6-anyos na si Stephanie Nicole Ella ng Caloocan gayundin si Michaela Caimol, 7, ng Cavite at si Janica de Vera, 8, na isa sa pitong napatay nang mamaril si Ronald Bae sa Kawit, Cavite.

Show comments