MANILA, Philippines - Maging ang mga lola ay nasasangkot na rin sa pagtutulak ng iligal na droga at minsan ay nagiging lider pa ng drug group, matapos na isang 61 anyos na lola na lider umano ng isang drug group sa Cebu ang naaresto ng Philippine Drug Enforcemen Agency (PDEA) sa ginawang buy-bust operation dito.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuli na si Pedita Abellana, 61, residente ng Magsaysay St., Barangay Suba, Cebu City.
Si Abella ay kasama sa priority target-listed drug personality ng ahensya at sinasabing pinuno ng Abellana Drug Group na responsable sa pagkakalat ng illegal drugs sa Barangay Suba at karatig munisipalidad.
Naaresto si Lola Abellana ng tropa ng PDEA Regional Office 7 (PRO7) sa pamamagitan ng isang poseur-buyer na bibili ng shabu sa kanya.
Bukod sa isang sachet ng shabu ay nakasamsam pa ang operatiba mula kay Abellana ng dalawang sachet ng shabu na may bigat na dalawang gramo.
Sabi ni Cacdac, sa kasalukuyan, parami ng parami ang mga babaeng nasasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga dahil mas hindi agad sila mahahalata sa kanilang operasyon.
Isa pang lola, si Violeta Vallecer, 65, lider ng Contreras Drug Group, ang nadakip naman ng PDEA noong December 13, 2012.