MANILA, Philippines - Binawasan ng bansang Korea ang ibinibigay na labor quota sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Hans Leo J. Cacdac, nagdesisyon ang Korean Ministry of Employment and Labor (MOEL) na bawasan ang labor quota o bilang ng mga bagong OFWs na papayagang magtrabaho sa Korea.
Mula sa dating 5,200 noong 2012 ay ginawa itong 4,200 na lamang ngayong taon.
Para sa taong 2013, tanging 7,900 pangalan ng OFWs ang kasama sa kanilang listahan, na mas mababa mula sa 9,800 pangalan noong 2012.
Sa kabila naman nito, hindi kukuwestyunin ng POEA ang desisyon ng Korea na bawasan ang quota para sa mga manggagawang Pinoy.
Ayon kay Cacdac, kailangang sumunod ng Pilipinas sa kontrata nito sa Korea.
Nabatid na may 30,000 manggagawa na ang naipadala ng Pilipinas sa Korea simula 2004 at karamihan sa kanila ay nasa manufacturing sector.