Task force magbabaklas ng illegal election materials
MANILA, Philippines - Magtatalaga ang Commission on Elections (Comelec) ng task force na ang magiging trabaho lamang ay magbaklas ng mga iligal na election materials.
Salig sa bagong implementing rules ng Republic Act 9006 o ang Fair Elections Act, ang task force na lilikhain sa bawat lugar ay binubuo ng election officer na tatayong pinuno, station commander ng PNP bilang vice chairman, habang ang ikatlong miyembro naman ay mangÂgagaling sa alinmang ahensya na deputado ng Comelec.
Pangunahing tungkulin ng task force ang pagtatanggal ng campaign materials sa mga pampublikong lugar na hindi sakop ng common poster area; ang pagbabaklas ng mga ilegal na campaign materials at pag-aresto sa mga taong nahuli sa akto na nagkakabit o namimigay ng mga ilegal na election paraphernalia.
Sa sandaling magsimula na ang campaign period, itinuturing na prohibited propaganda ang paglalagay ng pangalan, imahe, logo at initials ng mga kandidato sa mga government vehicle, ambulansya, poste ng ilaw at mga signages.
Hindi rin pinapaÂyagan ang pagkakabit ng mga election propaganda sa mga puno at public utility vehicle gaya ng mga bus, jeep, taxi, pedicab at tricycle at maging sa mga terminal at airport.
Lilimitahan din ng komisyon ang oras ng mga political advertisement sa broadcast media sa nalalapit na pagsisimula ng panahon ng kampanya.
Sa implementing rules ng Republic Act 9006 o ang Fair Elections Act, 120 minuto na lamang ng political ads sa telebisyon at 180 na minuto sa radyo ang ibibigay sa mga kandidato na tumatakbo sa national position.
Ang mga kandidato sa lokal na posisyon ay magkaroon ng kabuuang 60 minuto ng political ad sa tv at 90 minuto sa radyo.
Sa mga tandem ads o joint ads kung saan lumalabas ang mukha ng maraming kandidato sa isang patalastas, isasama rin ito sa airtime ng kada kandidato na lumabas sa nasabing political ad.
- Latest