MANILA, Philippines - Hindi maisasakay ng Metro Rail Transit (MRT) ang milyong motorista na maaapektuhan ng isang taong rehabilitasyon ng EDSA.
Aminado si Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Jun Abaya na hindi kayang isakay lahat sa MRT ang mga pasaherong araw-araw na dumadaan sa EDSA.
Sinabi ni Abaya, ngayong wala pang ginagawang rehabilitasyon sa EDSA ay marami na silang natatanggap na reklamo hinggil sa dami ng mga pasahero at lalo pa itong dadami oras na magsimula ang pagsasaayos ng EDSA.
Sa ngayon aniya ay nasa 18-20 bagon lang ang tumatakbo sa peak hours dahil pinag-aaralan pa ng gobyerno kung saang bansa kukuha ng bagong bagon ng tren bagamat may nakabinbin ng proposal ang Czech Republic at Spain.
Giit ni Abaya, plano na muna nilang bumili ng 2nd hand na bagon bilang solusyon sa kinakaharap nilang problema hinggil sa pagdami ng mga pasahero sa MRT.