11 uri ng palaka sa PHL nauubos na

MANILA, Philippines - Dahil sa mabilis na pagbabago ng panahon, 11 uri umano ng kakaibang frog species na matatagpuan sa Pilipinas ang namamatay na at posibleng tuluyan ng mawala.

Ang mga nasabing uri ng palaka ayon kay da­ting Senator Juan Miguel Zubiri ay idinagdag na sa opisyal na listahan ng “threatened species”.

Kabilang sa mga nasabing palaka ang tinatawag na ‘Mindanao fanged frog’, ‘Mindoro tree frog’, ‘Hazel’s fo­rest frog’, ‘Gigante Island limestone frog’, ‘Lawton’s forest frog’, ‘Negros fo­rest tree frog’, ‘Polillo Island forest tree frog’, ‘Rabor’s forest frog’, ‘Neg­ros limestone frog’, ‘Mt. Data cloud frog’ at ‘Taylor’s Igorot frog’.

Ayon kay Zubiri nakakalungkot kung tuluyang mawawala ang uri ng mga nasabing palaka dahil dito lamang sa Pilipinas matatagpuan ang mga ito.

Sinabi ng mga ecologists, ang palaka ang maituturing na “most excellent indicators” ng ecological health ng isang lugar.

Ipinaliwanag ni Zubiri na ang mga palaka ay humihinga at umiinom sa pamamagitan ng kanilang balat  kaya madali silang maapektuhan ng kanilang kapaligiran.

Posible umanong naaapektuhan din ang mga nasabing palaka ng invasion ng mga foreign frog species na nagtatag­lay ng nakakahawang amphibian chytrid fungus kaya nauubos ang mga lokal na palaka.

Idinagdag ng dating senador na malaki ang ginagampanan ng mga palaka sa maze of life at sa food chain dahil ang mga ito ang kumakain ng mga insekto katulad ng lamok at mga peste na posibleng makaapekto sa ani ng mga magsasaka.

Show comments