MANILA, Philippines - Asahan na ang maraÂming checkpoints na ilalatag sa buong bansa kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng gun ban kaugnay ng gaganaÂping midterm elections sa Mayo 13, ng taong ito.
Ayon kay PNP Chief Director Alan Purisima, ang pagpapakalat ng maÂraming checkpoints sa mga pangunahing lansaÂngan partikular na sa mga lalawigan na idineklarang ‘high risk areas’ o magulong lugar ay bahagi ng pagpapairal ng gun ban upang matiyak ang SAFE 2013 (Secured and Fair Elections).
Target sa checkpoint operations ang mga loose firearms at paglalansag ng mga Private Armed Groups (PAGs) ng mga pulitiko.
Sinabi ni Purisima na may sapat na direktiba at panuntuan ang mga pulis na magbabantay sa checkpoints na makakatuwang ng mga sundalo.
Ang mga pulis at sunÂdalong magmamando sa checkpoint ay dapat nakakumpletong uniporme, may signage, may PNP mobile patrol car na tinagubilinan ring maging magalang sa mga sinisitang lulan ng mga behikulo na daraan sa kanilang hurisdiksyon.
Pinawi naman ni CoÂmelec spokesman Director James Jimenez ang pangamba ng publiko sa election gun ban na ang layon lamang aniya ay mabawasan ang laganap na karahasan tuwing sasapit ang eleksiyon.
Ayon kay Jimenez, paiigtingin ang seguridad sa panahon ng halalan hanggang sa magtapos sa Hunyo12, 2013.
Kaugnay naman nito, ngayong araw ay magsasagawa ng unity walk ang Comelec, Department of Education (DepEd), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bilang hudyat na nagsimula na ang election period.
Layon aniya nito na ipakita sa publiko na nagkakaisa ang mga ahensiya ng gobyerno para sa mapayapa at maayos na halalan.
Alas-5:00 ng umaga isasagawa ang unity walk sa Quezon Memorial Circle.