Aman officials pinapaaresto

MANILA, Philippines - Naglabas na ng warrant of arrest ang  Pagadian City Regional Trial Court laban sa mga opisyal ng Aman Futures na nahaharap sa syndicated estafa kaugnay sa P12 bilyong pyramiding scam.

Ayon kay Department of Justice Prosecutor General Claro Arellano, kabilang sa mga pinadadampot ng husgado sina Manuel Amalilio, Fernando Luna, Lelian Lim Gan, Wilanie Fuentes, Naezelle Rodriguez, Lurix Lopez at Isagani Laluna.

Handa naman ang National Bureau of Investigation (NBI) na dalhin at iharap sa korte sa Pagadian City ang mga akusado na nasa kanilang kustodiya bunsod ng kautusan ni Pagadian City Regional Trial Court Branch 20 Judge Dennis Vicoy.

Walang itinakdang piyansa si Judge Vicoy para sa pansamantalang pag­laya ng mga akusado habang dinidinig ang kanilang kaso.

Umaasa naman ang maraming mga biktima na mababawi pa ang kanilang pera na napunta sa Aman group.

Naniniwala rin sila na magiging patas ang paghawak ng mga kaso ni Judge Vicoy.

Kinumpirma naman ni Pagadian City Mayor Samuel Co na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon ng lugar matapos ang isyu ng pyramiding scam na nagbigay ng hindi magandang imahe sa lungsod. (Doris Borja/Ludy Bermudo)

 

Show comments