Pinoy na natimbog sa droga sa NAIA, ginamit ng Chinese drug syndicate

MANILA, Philippines -  Naniniwala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang Pinoy na naaresto sa Ninoy Aquino International Airport nitong Miyerkules sa pagdadala ng shabu ay ginamit ng Chinese drug syndicate sa Hong Kong upang magpuslit ng shabu sa bansa.

Ayon kay Wilkins Villanueva, director ng PDEA National Capital Region, si Roendo Ariata ay nagpupunta sa Hong Kong ng tatlong ulit simula noong September ng nakaraang taon.

Nitong Miyerkules, si Ariata, 38 at negos­yante mula Monkayo, Davao City, ay naaresto sa NAIA-Terminal 2 dahil sa pagpupuslit ng mahigit sa 11 kilo ng shabu.

Si Ariata ay pasahero ng Philippine Airlines Flight PR307 mula Hong Kong nang madakip sa Arrival Area ng NAIA Terminal 2.

Ayon kay PDEA director general Undersecretary Arturo Cacdac Jr., ang iligal na droga ay nakatago sa loob ng ilang mga kahon ng powdered milk at nadiskubre sa ginawang physical examination ng Duty Customs Examiner Kristian G. Cordis.

“We believe the contraband was from a Chinese drug syndicate in Hong Kong to address the local demand here,” sabi ni Villanueva.

Pansamantalang nakapiit si Ariata sa PDEA custodial facility sa Quezon City sa kasong importation dangerous drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inihahanda laban sa kanya.

 

Show comments