MANILA, Philippines - Nahulihan ng mahigit 11 kilong shabu na nagkakahalaga ng nasa P50 million ang isang lalaki sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kamakalawa ng gabi.
Sa isinumiteng report kay Customs Commissioner Ruffy Biazon nina NAIA District Commander Marlon Alameda at Assistant Chief and Investigation Customs police Byron Carbonell, ng Task Force React, BoC, kinilala ang suspek na si Rosendo Bastatas Ariata, nasa hustong gulang at isang Filipino.
Si Ariata ay galing ng Hong Kong sakay ng Philippine Airlines, PR flight 307 at dumating sa NAIA dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil sa kahina-hinalang kilos at kaduda-dudang bagahe ay sinita ito ng mga tauhan ni Biazon at tinangka pa umanong suhulan ang isa sa mga Custom police na si Antonio Punzalan.
Nang inspeksyunin ng mga taga-BoC ang bagahe ng suspek ay nakita ang pitong kahon ng gatas na naglalaman ng shabu.
Agad na dinakip si Ariata na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Nababahala naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil ito ang unang pagkakaton na isang Pilipino ang
 nagsilbing drug mule ng sindikato.