MANILA, Philippines - Plano na ring i-develop ng pamahalaan ang Pag-asa island na bahagi ng pinag-aagawang Kalayaan Island Group o Spratly Islands sa West Philippine Sea.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa isang pulong balitaan kasunod ng pagkukumahog ng China na angkinin ang mga isla na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas matapos na magtayo ang China ng Sansha City sa Hainan province sa WPS o South China Sea.
Ayon kay del Rosario, may plano rin ang pamahalaan na ayusin at paunlarin ang Pag-asa island kung saan may libong sibilyan at militar na ang nakatira at nagbabantay. Tinitingnan na lamang aniya ang budget o pondo para sa development sa nasabing rehiyon.
Iginiit ng DFA na may karapatan ang Pilipinas sa rehabilitasyon sa mga bahagi ng pinag-aawayang mga isla sa Spratlys na nasa EEZ. Ito ay matapos na umangal ang China sa planong ng Pilipinas.
Ang Pag-asa island na bahagi ng KIG ay may 285 nautical miles mula Palawan.
Nanindigan ang Chinese Foreign Ministry kamakalawa na ang China ang may “undisputable soverignty†sa Spratlys na tinatawag nilang Nansha.
Nanawagan pa ang China sa Pilipinas na sundin ang “parameters of conduct†na siya ring unang reklamo ng Pilipinas laban sa China dahil sa paulit-ulit na panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.
May 15 diplomatic protest na ang naihain ng DFA laban sa China.