Kaso ng indiscriminate firing ipinamamadali

MANILA, Philippines - Ipinamamadali na ni PNP chief Director Ge­neral Alan Purisima sa lahat ng mga regional directors ang imbestigasyon sa paglutas ng mga insidente ng indiscriminate firing sa bansa sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa tala ng PNP, uma­abot sa 18 ng mga tinaguriang ‘trigger happy’ na sangkot sa walang habas na pamamaril  ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya. Kabilang dito ang dalawang pulis mula sa Region 1 at Region VI at isang tauhan ng Philippine Air Force na nakatalaga naman sa Pangasinan.

Samantalang lumilitaw naman na tatlo sa mga biktima ang nasawi kabilang ang dalawang bata habang 39 pa ang nasugatan.

Kabilang sa mga nasawi ay ang 7- anyos na si Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng ligaw na bala sa Caloocan  at 4- anyos na si Ranjelo Nimer sa Mandaluyong City.

Nasawi rin sa insidente ang 28-anyos na ginang na tinamaan naman ng ligaw na bala sa dibdib noong Enero 1 ng mada­ling araw.

Samantalang comatose pa rin sa Butuan City Medical Center ang 15-anyos na biktimang si Jenelito Pacanor na tinamaan din ng ligaw na bala sa nabahiran ng trahedyang selebrasyon.

Sa mga kaso ng indiscriminate firing nitong Bagong Taon ay pinakamarami ang naganap na insidente sa Metro Manila na umaabot sa 19 insidente.

Binigyang diin pa ni Purisima na dapat malutas kaagad ang naturang mga kaso upang mapa­nagot ang mga nasa likod ng indiscriminate firing partikular na ang mabigyang hustisya ang mga nasawing biktima.

 

Show comments