US spy plane bumagsak sa Masbate

MANILA, Philippines - Isang spy plane na pag-aari ng Estados Unidos ang bumagsak sa karagatang nasasakupan ng Sitio, Tacdungan, Ticao Island, San Jacinto, Masbate kamakalawa.

Ayon kay Masbate Provincial Police Office (PPO) Dir. Sr/Supt. Iriberto Olitiquit, ang nasabing eroplano ay narekober ng mga mangingisdang sina Jolly Llacer at Ricky Cantoria habang palutang-lutang sa nasabing karagatan.

Bandang alas-9:15 ng umaga ng bumagsak ang US Drone unmanned aerial plane sa bahagi ng naturang karagatan na noong una ay inakala pa ng mga mangingisda na isang uri ng bomba.

Agad namang nag­responde ang mga ope­ratiba ng Explosives and Ordinance Team ng San Jacinto, Masbate Police sa pangunguna ni SPO2 Ramon Frades matapos na matanggap ang impormasyon kay Gng. Victoria Cardel.

Gayunman, matapos ang ebalwasyong teknikal sinabi ni Frades na isang US made Drone unmanned aerial vehicle o spy plane ang bumagsak sa bahagi ng nasabing karagatan.

Ilang markings pa ang nakita sa nagkapirapirasong bahagi ng spy plane tulad ng aerial target drone, BQM -74 E Chuckar III, part no. 89500-517, model No. BQM 74 E, cage no. 77646, habang 12 talampakan at 11 inches (3.94 M) , wingspan na limang talampakan at 9 inches, taas na 2 talampakan at iba pang bahagi ng eroplano.

Hindi pa batid ng mga awtoridad kung pinabagsak o kusang bumagsak ang nasabing spy plane ng Amerika.

 

Show comments