‘War exercises’ sa Spratlys sinimulan ng China!

MANILA, Philippines - Sa kabila ng patuloy na protesta ng Pilipinas sa panghihimasok ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea, nagsagawa umano ng “air at ground defense exercises” ang puwersa ng Chinese military sa Sansha City ng Hainan province na inaangkin ng China at nasasakop naman ng Kalayaan Island Group (KIG) o Spratly Islands na pag-aari ng Pilipinas.

Sa lumabas na report, sinabi ng People’s Liberation Army (PLA) ng China, na nagsagawa sila ng air defense, anti-terrorist, emergency muster at fire drills noong Enero 2. Sinimulan umano ang drill noong Enero 1 sa Hangzhou City sa Zhejiang na nasa eastern China.

Layunin umano ng ehersisyo na masanay ang Chinese military sa pakikipaglaban sa mga sorpresang pag-atake sa kanilang teritoryo.

Magugunita na ginawang syudad ng China ang Sansha noong nakalipas na taon sa kabila ng protesta ng Pilipinas at ibang claimants sa layunin ng China na magkaroon ng mas matibay na administrasyon, kontrol at depensa sa buong Spratlys.

Sinasabing may naka­tira nang isang libong sibil­yan at may 6,000 Tsinong sundalo na naka-istasyon sa itinayong lungsod sa Spratlys.

Dahil dito, muling na­nawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na itigil na ang ginagawang probokasyon nito na lalong nagpapataas ng tensyon sa pagitan ng mga claimants ng pinag-aagawang mga isla o teritoryo sa WPS kabilang na ang Scarborough o Panatag Shoal sa Palawan.

“No military activities shall be undertaken by any country within the Philippine maritime and territorial jurisdiction without the consent and authority by the Philippine government,” ayon sa statement ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez

Ang DFA ay may naka­binbing diplomatic protest laban sa China dahil sa pagtatatag ng Sansha City.

Iginiit ng DFA ang sovereign rights ng Pilipinas sa WPS kabilang na ang Sansha City na nasa exclusive economic zone at continental shelf ng bansa. 

Bukod sa China, kabilang sa mga claimants ng mga isla sa WPS  ang Vietnam, Brunei, Malaysia at Taiwan.

Show comments