Ex-lawyer ng Ampatuan, gold trader kinasuhan ng tax evasion sa DOJ

MANILA, Philippines - Ipinagharap kahapon ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DoJ) ang dating abogado ni dating Autonomous Region in Muslim Minda­nao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.

Si Atty. Redemberto Villanueva ay ipinagharap ng kasong paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997 matapos mabigong magdeklara ng tama sa kaniyang Income Tax Returns para sa taong 2010 at 2011.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, aabot sa P36.93 milyon ang hinahabol na tax lia­bility ng pamahalaan kay Villanueva.

Si Villanueva ang ikalawang abogado ng mga Ampatuan na kinasuhan ng BIR.

Paglilinaw naman ni Henares na hindi naman nila sinasadya ang paghahabol sa abogado ng mga Ampatuan at nagkataon lamang na may natanggap silang impormasyon hinggil sa hindi nito pagbabayad ng tamang buwis.

Samantala, kinasuhan din ng tax evasion ng BIR ang gold trader ng Bangko Sentral ng Pilipinas na si Teofilo Oraa dahil sa pagdedeklara lamang ng P0.634 milyon na kinita noong 2009 gayung batay sa pag-imbestiga ng BIR ay umaabot sa P1.116 billion ang naibenta nitong ginto at pilak sa BSP noong 2009.

Si Oraa ay pinagmumulta ng BIR ng P731.67 million, (Ludy Bermudo/Angie dela Cruz)

 

Show comments