MANILA, Philippines - Gusto ni San Juan City Rep. JV Ejercito na madaliin ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagpirma sa Domestic Workers’ Act Bill o ang Kasambahay Bill para ganap na itong maging batas para sa ikabubuti ng may dalawang milyong ‘household helpers’ sa buong bansa.
Ayon kay Ejercito, naratipika na sa Kongreso ang nasabing Kasambahay Bill at hinihintay na lamang na mapirmahan ito ni PNoy para maging batas.
“I am just wondering what keeps President Aquino from signing the Kasambahay bill,” ani Ejercito. “I’m appealing to his sense of compassion. I hope he will realize the importance of the measure to lowly household helpers, some of whom are being maltreated by abusive employers,” sabi pa niya.
Dagdag pa ni Ejercito, ang mga kasambahay ay patuloy na malalagay sa bingit ng alanganin tulad ng pagmamaltrato sa kanila ng kanilang mga amo hangga’t hindi ito naisasabatas.
Sa ilalim ng Kasambahay Bill, sasahod ang isang katulong ng P2,500 minimum sa Metro Manila, P2,000 sa chartered cities at first-class municipalities at P1,500 sa ibang lugar.
Bukod sa sahod ay kailangan din nilang bigyan ng 13th month pay, mga benepisyo tulad ng pagiging kasapi sa SSS, Philhealth at Pag-ibig.