Chinese Police haharangin na ang mga barkong dadaan sa South China Sea!
MANILA, Philippines - Sinimulan na umanong ipatupad ng China ang kanilang bagong “martime law” na nagbibigay kapangyarihan sa mga Chinese Police na mangharang, sumampa at mag-search sa mga dayuhang barko na daraan o tatawid sa South China Sea kabilang na sa pinag-aagawang teriotoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Nabatid na simula Enero 1, 2013, ang mga Chinese Police ay may karapatan nang sumampa at mag-search sa mga dayuhang barko na maglalayag o dadaan sa anumang bahagi ng South China Sea o may 12 nautical miles sa Hainan coast alinsunod na rin sa nasabing bagong batas ng China.
May dalawang Chinese Maritime ships na Haijian 75 at Haijian 84 ang ipinadala ng China sa South China Sea ng nakalipas na linggo at ngayon ay nagsasagawa na ng surveillance sa nasabing rehiyon.
Magugunita na umalma ang Pilipinas at Vietnam sa nasabing bagong maritime law subalit iginiit ng China na ipatutupad lamang nila ang kanilang sariling bagong batas.
Gayunman, binigyang-diin ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanilang itutuloy ang diplomatic talks sa pagitan ng mga claimants kabilang na ang China, Taiwan, Brunei, Malaysia at Vietnam upang igiit ang sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, idedepensa pa rin ng DFA ang posisyon ni Pangulong Aquino na ipatupad ang “rule of law” at iginiit na ang teritoryo ng Pilipinas ay sa Pilipinas lamang.
Nitong nakalipas na linggo inianunsyo na rin ng Taiwan na sisimulan na nila ngayong 2013 ang oil exploration sa Spratlys.
- Latest