MANILA, Philippines - Bigo ang kampo ni suspended Cebu Governor Gwendolyn Garcia na makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Court of Appeals (CA) upang makapagpatuloy ng panunungkulan sa kapitolyo.
Sa halip, nagpalabas ng 2-pahinang resolution kahapon ang CA 12th Division para sa petisyon at ‘held in abeyance’ o pinigil muna ang paglalabas ng desisyon kung magbibigay ng TRO o hindi matapos ang mahabang deliberasyon.
Nagkasundo na lamang na itakda ng CA 12th Division sa Enero 10, alas 10:00 ng umaga ang oral argument para sa nasabing petisyon.
Ksabay nito ang pag-aatas ng CA na maghain ng komento ang Malakanyang kaugnay sa petisyon ni Garcia.
Ang 6-months suspension order ng DILG laban kay Garcia ay bunga ng kinakaharap na administrative case ng gobernador na nakabinbin noon pang 2010.
Ang reklamo ay isinampa ng namayapang si Cebu Vice Gov. Gregorio Sanchez Jr. Sa reklamo, inakusahan ni Sanchez si Garcia na nagmalabis sa kapangyarihan nang bawasan ang pondo ng Office of the Vice Governor, pagkuha ng mga consultant at maging ng empleyado.
Una nang nabigo ang mga mahistrado na desisyunan ang kaso ni Gov. Garcia noong Disyembre.
Naging dahilan naman ito para manatili pa rin sa loob ng kapitolyo si Gov. Garcia nitong holidays.
Nabatid na kababalik pa lamang kahapon nina Associate Justice Vicente Veloso, Chairperson ng CA 12th Division na ponente sa petisyon at Associate Justice Aurora Jane Lantion na kapwa nanggaling sa decision writing week leave.
Ang decision writing period ay ibinibigay sa mga mahistrado upang mabigyan sila ng sapat na pagkakataon na tapusin ang mga kaso sa kanilang sala.