Nakabaril kay Stephanie tugis na

MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkaka­kilanlan ng iresponsableng suspek na walang habas na nagpaputok ng baril na tumama at pumatay sa 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella sa kasagsagan ng pagsalubong sa 2013 sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Mayor Enrico “Recom” Echiverri, nakakuha na ng anim na slug ng kalibre .45 baril ang mga awtoridad malapit sa pinangyarihan ng insidente at nakatakda na lamang itong ikumpara sa balang tumama sa ulo ng biktimang si Ella, ng #2066 San Lorenzo Ruiz St., Barangay 185, Malaria, Caloocan City.

Hiniling din ng alkalde sa pulisya na isa-isahin ang mga bahay sa naturang lugar upang matukoy kung isa sa mga nakatira dito ang nagpaputok ng baril na tumama sa ulo ng biktima na naging dahilan ng maaga nitong kamatayan.

Aakuin naman nina Mayor Recom at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang bayarin sa ospital at gagastusin sa pagpapali­bing kay Stephanie.

Show comments