Naputukan dumami
MANILA, Philippines - Tila walang epekto ang mahigpit na paalala ng Department of Health (DOH) dahil patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng mga paputok habang papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa pinakahuling rekord, umaabot na sa 165 ang mga pasyenteng isinugod sa iba’t ibang ospital sa bansa.
Nabatid kay DOH Assistant Secretary at Spokesman, Dr. Eric Tayag na sa naturang bilang pinakamataas pa rin sa Metro Manila na 82.
Ang imported na paputok na “piccolo” pa rin ang pangunahing sanhi ng disgrasya matapos na maitala sa 97 ang mga tinamaan.
Nasa 14 katao naman ang nasaktan dahil sa “kwitis” habang 11 ang sugatan sa “5-star”. Lima sa mga sugatan ay kinailangang putulan.
Karamihan sa mga biktima sa Metro Manila ay isinugod sa Jose Reyes Memorial Center sa Rizal Avenue.
Ngunit ayon kay Dr. Tayag, mas mababa pa rin aniya ito kumpara noong nakaraang taon na 197.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na sa halip na gumastos sa mga paputok ay mas mabuting gumamit na lang ng alternatibong paraan ng pag-iingay gaya ng torotot o makisayaw na lamang sa pag-indak ng sikat na Gangnam style.
- Latest