MANILA, Philippines - Ipinagbabawal ang pagsusunog ng gulong sa mga lansangan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson na noong nakaraang taon ay marami ang nagsusunog ng gulong at iba pang katulad na materyales bilang paggunita sa bagong taon.
Aniya, hindi tama ang naturang gawain. Ang pagsunog sa gulong sa mga kalsada lalo na sa aspaltong kalsada ay nakapipinsala sa daan, nagiging sagabal sa daraanan ng mga sasakyan at nakadaragdag pa sa nararanasang polusyon.
“Ang usok mula sa mga sinunog na gulong na goma ay nakamamatay, kaya mapanganib ito sa tao lalo na sa mga bata,” sabi pa ng kalihim.
Kaugnay nito ay nananawagan ang kalihim sa PNP at local government units na mahigpit na ipatupad ang pag-ban sa pagsusunog ng mga gulong sa kalsada.
Inatasan din ng kalihim ang lahat ng regional director at district engineers ng ahensiya na makipagtulungan sa mga local na opisyal at pulisya upang maipatupad ang naturang total ban.