MANILA, Philippines - Pito katao ang namatay habang tatlo pa ang nawawala sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Quinta.
Ayon sa National Di saster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nasawi ang tatlong miyembro ng pamilya na nadaganan ng nabuwal na puno ng apitong ang tahanan sa Brgy. del Pilar, Maydolong, Eastern Samar.
Kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Busa, 56; misis na si Rosita, 50 at anak nilang si Kimjie, 7.
Tatlo rin ang nasawi sa Iloilo na sina Warlito Lutero at Erlinda Almorante ng bayan ng Janiuay, Arnulfo Bayotas ng Barotac Nuevo na pawang nalunod sa tubig baha at isa sa Aklan na si Nilo Icawalo, 54, na nalunod sa ilog sa bayan ng Malinao.
Aabot naman sa 1,915 o kabuuang 10,866 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha sa nasabing lalawigan.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na tatlo ring katao ang nawawala mula sa Batangas, Iloilo at Leyte.
Naitala naman sa 13, 521 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Visayas Region.
Sa Tacloban City ay nasa 300 evacuees ang kinakanlong sa Tacloban Astrodome.
Dumanas rin ng matinding pagbaha ang 19 bayan ng Iloilo bunga ng pag-apaw ng mga ilog na nakaapekto sa daang residente.