MANILA, Philippines - Pumanaw na kamakalawa ng gabi si Bohol Rep. Erico Aumentado dahil sa sakit na pneumonia.
Sa ipinadalang text message ni Ma. Bernadette dela Cuesta, executive director ng House secretariat’s public Relation and Information Bureau, binawian ng buhay ang mambabatas dakong alas-8:37 ng gabi noong Martes sa edad na 72 sa St. Lukes Medical Center (SLMC).
Nabatid na noon pang Disyembre 9 isinugod sa coronary care unit ng SLMC si Aumentado dahil sa sakit na pneumonia.
Magsasagawa naman ngayong umaga ng necrological service ang Kamara para kay Aumentado.
Si Aumentado ay naging chairman ng House Ethics committee at miyembro ng mga sumusunod na komite: agriculture and food, appropriations, Basic education, culture, Constitutional amendments, good government and public accountability, local government, public works and highways, suffrage and electoral reforms, tourism at transportation ways and means.
Ayon naman kay House Speaker Feliciano Belmonte, napakataas ng integridad na naukit ni Aumentado sa kaniyang distrito hindi lamang bilang isang kongresista kundi bilang isang journalist kaya’t isang malaking kawalan umano sa serbisyo publiko ang pagkamatay nito.