MANILA, Philippines - Kilala na ng mga awtoridad ang tatlong biktima ng masaker na pawang sinunog pa ang kanilang mga bangkay sa loob ng kotse sa San Pascual, Batangas noong Linggo.
Kinilala ni Chief Inspector Rufino Luistro, hepe ng San Pascual Police ang mga biktima na sina Herschel Cauntay, 31 anyos ng Tuwi, Batangas; Jhon Patrick Dastas, 27 ng Balayan, Batangas at Farah Partolero, 35 ng Pasay City.
Samantala, hinamon naman ni Dante Jimenez, Founding Chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si PNP Chief Director Alan Purisima na pangunahan ang mabilisang pagresolba sa kaso upang mabigyang hustisya ang sinapit na brutal na pagpatay sa mga biktima.
“Dapat na pasukin ito ni bagong PNP Chief Purisima. Hindi hayaan ang San Pascual police mag-asikasong mag isa. Malaking challenge, malaking hamon ito sa kanyang pamunuan kung ang strategy ang kailangang ipatupad laban sa mga ganitong krimen,” pahayag ni Jimenez.
Nais rin ni Jimenez na maibalik ang death penalty sa bansa upang magsilbing aral ito sa mga magtatangkang gumawa ng karumal-dumal na krimen.
“This is a very cruel act. This is why we are campaigning hard to bring back the death penalty in the country,” giit pa ni Jimenez.
Sa kasalukuyan ay tinitingnan ng pulisya ang anggulong operasyon laban sa illegal na droga ang isa sa mga posibleng motibo ng pagpatay sa mga biktima dahilan ang babaeng nasawi ay itinuturong nagsisilbi umanong lider ng mga big time drug dealer sa lalawigan.