PNP hindi magpapagamit sa pulitika

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima na hindi magpapagamit ang kapulisan sa maruming pamumulitika sa bansa kaugnay ng gaganaping mid term elections sa Mayo ng susunod na taon.

“Ang pulis po ay gagawin ang kanilang tungkulin, kung ano po yung ating sinumpaang tungkulin,” ani Purisima.

“Our main objective is to make the Filipino people feel safe as they go out and choose their next leaders and make sure that it is really the sovereign will of the people that is reflected in the election results”, giit pa ng PNP Chief.

Binigyang diin ni Purisima na malinaw ang mandato ng PNP na hindi ito makikisawsaw sa pulitika.

Ginawa ni Purisima ang paniniguro sa gitna na rin ng mga panawagan ng kampo ng partido ng oposis­yon na maging patas ang PNP at huwag kikiling sa sinumang kandidato .

Sa kasalukuyan, puspusan ang pagpapatupad ng security measures ng PNP sa ilalim ng Task Force SAFE (Secured and Fair Elections) 2013 upang tiyakin na magiging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng halalan sa bansa.

Kabilang dito ang pinalakas na kampanya kontra loose firearms, paglalagay ng mga checkpoints at crackdown laban sa mga Private Armed Groups (PAGS) gayundin laban sa lahat ng mga organisadong grupo na banta sa seguridad ng eleksyon.

Show comments