MANILA, Philippines - Isang lindol na may magnitude 4.9 ang sumalubong sa pagdiriwang ng Pasko ng mga residente ng Davao del Sur, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS), ang sentro ng lindol ay naitala sa may 216 kilometro timog-silangan ng Sarangani, Davao del Sur at ito ay may lalim na 27 kilometro at tectonic ang pinagmulan nito dakong alas 3:50 ng madaling araw.
Bago magpasko, Lunes ng gabi ng alas-8:58 ay nakapagtala ng 4.7 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Davao del Sur.
Natukoy ang epicenter ng lindol sa 210 kilometro timog-silangan ng Sarangani, Davao del Sur.
Bago ang mga lindol ay nakaranas din ng dalawang magkasunod na pagyanig sa Davao del Sur na ang una ay nasa 4.5 magnitude at sinundan ng magnitude 4.6.
Bukod sa Davao del Sur, dumanas din ng paskong lindol na may magnitude 3.2 ang Kalamansig, Sultan Kudarat kahapon ng alas 2:20 ng madaling araw.