Para sa mga biktima ni Pablo: 3 araw na food allowance, isinakripisyo ng mga preso sa Munti

MANILA, Philippines - Para sa diwa ng Pasko, isinakripisyo na ng mga bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) ang kanilang tatlong araw na meal allowance para makatulong sa mga biktima ng Bagyong Pablo na umabot sa halagang  mahigit P1.8-milyon.

Ayon kay National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (CBCP-NASSA) Chairman and Manila Auxiliary Bishop Brode­rick Pabillo, nagpasiya ang mga preso ng NBP na isakripisyo ang kanilang pagkain para sa December 24, 25 at 26 para makapag-donate ng pera sa mga biktima ng kalamidad.

Nilinaw naman sa ulat, na hindi naman ‘fasting’ at sa halip na magkaroon pa ng regular na meals sa loob ng tatlong araw, ititigil muna ito dahil inaasahang marami sa mga preso ang dadalawin ng mga mahal nila sa buhay at paniguradong babaha din ng pagkaing bibitbitin para pagsasaluhan at maaring mai-share sa mga iba pang bilanggo na walang dalaw.

 Sa ilalim umano ng inilunsad na “Operation Kalinga sa Kapwa: Tulong sa mga naulila at biktima ng trahedya na dulot ng Bagyong Pablo” ng mga inmate ng Maximum Security Compound, ido-donate ng mga preso ang kanilang tatlong araw na food allowance at mga subsidy.

 Binigyan umano ng authorization ng mga nasabing inmate ang Budget and Finance Division ng Bureau of Corrections, gayundin ang resident Auditor ng COA para kaltasin ang halagang nakalaan para sa kanilang food subsidy sa loob ng tatlong araw at iremit iyon sa Social Secretary ng Office of the President.

 Samantala, sinabi naman ni NBP OIC Supt. Antonio Cabil Cruz na aabot ng P1, 845, 000.00 ang halagang malilikom mula sa tatlong araw na pagkain ng mga nasabing preso.

 Ang pondo na malilikom din ng mga inmate mula sa kanilang mga fund raising project at mga natanggap na donasyon gaya ng mga damit ay ire-remit din sa Social Secretary ng Office of the President.

Nabatid na nagkasundo ang iba’t ibang gang at grupo sa nasabing piitan para sa naturang layunin na matulungan ang mga kababayan nating naging biktima ng trahedyang dulot ng bagyong si Pablo.

 

Show comments