MANILA, Philippines - Pumasa na sa Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Disyembre ng bawat taon bilang “Anti-Corruption Month”.
Sa Senate Bill 3376 na inihaian ni Senator Antonio Trillanes IV, nais nitong maging mandatory sa lahat ng pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno, kabilang na ang mga government-owned and controlled corporations na magsagawa ng mga aktibidad upang maipalaganap sa mga mamamayan ang masamang epekto ng korupsiyon.
Ang panukala sa sandaling maging ganap na batas ay tatawaging “Anti-Corruption Month Act”.
Ang kampanya ay hindi lamang sesentro sa pagpapakalat ng impormasyon kundi sa kung ano ang dapat gawin ng mga mamamayan kapag maharap sila sa katiwalian.
Ang Commission on Audit ang magsisilbing lead agency para ipatupad kapag naging batas na ang panukala.
Naniniwala si Trillanes na mahalagang maging tuloy-tuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa korupsiyon.