MANILA, Philippines - Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglaban sa pang-aabuso sa mga matatanda.
Sa House Bill 6690 o Senior Citizen’s Safety Act na inihain ni Laguna Rep. Maria Evita Arago, layunin nitong itaas at higpitan ang parusa sa mga lalabag sa karapatan at mananakit ng mga senior citizens.
Layon din ng panukala na mapaunlad ang stratehiya sa pagsugpo sa mga mapang-abuso sa mga matatanda sa pamamagitan ng tamang pagkalap ng impormasyon para timbangin ang bigat ng krimen na nagagawa sa mga ito kaakibat ang mabigat na parusa.
Binibigyang mandato ng panukalang batas ang Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng pag-aaral sa mga nagagawang krimen laban sa mga matatanda.
Ang mga makakalap na datos at maibibigay na rekomendasyon laban sa pananakit at pang-aabuso sa mga matatanda ay makakatulong para paigtingin ang pagbibigay proteksyon at pagsasaalang-alang ng karapatan ng mga senior citizens.
Ang DOJ din ang magtatakda ng tamang parusang ipapataw sa mga lalabag at mananakit sa mga matatanda.